Sabayang Bigkas Kontest 2014

Sabayang Bigkas Kontest 2014

by Raniel Santos on September 9, 2014 - 3:02 pm

Sa paggunita ng Buwan ng Wika noong Agosto, sabay ding ipinagdiwang ng Unibersidad ang ika-11 taon ng Sabayang Bigkas Kontest (SBK). Sa pamamagitan ng SBK, naipararating ng UA&P ang kahalagahan ng wikang pambansa at naipapakita ang husay at pagiging malikhain ng bawat Pilipino.

Agosto 23 ng umaga nang ganapin ang eliminasyon ng SBK 2014 sa UA&P Dizon Awditoryum. Ang opisyal na piyesa para sa paligsahan na pinamagatang Universalis ay sinulat ni G. Christian “X” Vallez, alumnus ng Unibersidad. Kabilang sa mga paaralang sumali ay ang mga sumusunod: Aquinas School, Carlos P. Garcia High School, Don Bosco Technical Institute, Immaculate Heart of Mary Learning Center & School of Values (Batangas City), International Christian Academy, PAREF Northfield, PAREF Southridge, Saint Scholastica’s College, San Beda (Alabang), San Juan National High School, St. Paul College (Pasig), St. Peter the Apostle, St. Theresa’s College, at Tondo High School. Sa nasabing patimpalak, ang bawat paaralan ay binuo ng dalawampung miyembro at binigyan ng sampu hanggang labing-apat na minuto upang magtanghal.

Ang mga naging hurado sa ginanap na eliminasyon ay sina Dr. Joachim Antonio, Propesor Gerard Concepcion, at Propesor Roberto Mendoza. Binigyan nila ng puntos ang mga lumahok ayon sa bigkas, tinig, koryograpi, malikhaing paggamit ng props at mga teknikal na kagamitan, at lakas na makahikayat ng isinagawang interpretasyon.

Naging makulay at malikhain ang bawat paaralan. Iba’t iba man ang paraan ng pagdadala nila ng kanilang sarili, naibahagi naman ng bawat kalahok ang importanteng mensahe ng Universalis, at iyon ay ang pagmamahal sa bayan at sa pagiging Pilipino.

Mapalad na nakapasok sa final round ang Tondo High School, St. Paul College (Pasig), San Beda (Alabang), at ang Immaculate Heart of Mary.

Isa sa mga grupong nakilahok sa SAbayang Bogkas 2014. Photo galing kay Ninna Ruth Rosario, ABHUM.

Isa sa mga grupong nakilahok sa SAbayang Bogkas 2014. Photo galing kay Ninna Ruth Rosario, ABHUM.

Noong Agosto 29, bago nagsimula ang mga pagtatanghal para sa final round, nagbigay ang dekana ng UA&P College of Arts and Sciences (CAS) na si Atty. Delia S. Tantuico ng pagbati at mensahe ng inspirasyon sa mga kalahok. Muling ginamit ang Universalis bilang piyesa at isa sa mga naging hurado ang sumulat nito na si G. Vallez. Kasama niya sa lupon ng mga hurado sina Dr. Pamela Constantino, Dr. Vina Paz, Propesor Romualdo Protacio, order cialis at Bb. Catherine “Alex” Gonzaga. Tila nahirapan ang mga hurado sa pag-dedesisyon dahil sa galing at husay na ipinakita ng bawat paaralan.

Bago ideklara ang panalo, nagbigay ng maiksing talumpati si Bb. Moreal N. Camba na pinuno ng Departamento ng Filipino ng CAS. Binanggit niya na panalo na ang apat na eskwelahan dahil sila ay nakapasok sa final round at naipakita ang galing ng mga Pilipino.

Nagwagi bilang kampyon ang Immaculate Heart of Mary Learning Center & School of Values. Inuwi nila ang titulo ng kampyeonato, premyong Php15,000. at tropeo. Nasungkit ng St. Paul College (Pasig) ang titulong first runner-up at premyong Php12,000. Iniuwi naman ng Tondo High School (Manila) ang premyong Php10,000 bilang second runner-up at ng San Beda College (Alabang) ang Php8,000 bilang third runner-up. Lahat ng mga kalahok na mag-aaral na magtatapos na ng high school ay may gantimpala na libreng pagkuha ng UA&P entrance examinations.

Nagtulungan ang mga seksyon na 1Hum at 1BSBA upang maidaos ang patimpalak na ito. Nagpapasalamat sila sa mga sponsors na kinabibilangan ng Michel Andre, Mang Tomas, Inspire Leadership Consultancy, at marami pang iba.

Isang malugod na pagbati sa mga nanalo at sa mga sumali sa paligsahang ito ng UA&P.

Mabuhay ang wikang pambansa! Mabuhay ang bawat Pilipino!

Raniel Santos, 1st Year MA HUM

Bookmark and Share

Share this page: